TULALA
Isang maikling kwento
Isang maikling kwento
Nakatulog na naman siya. Pang-ilang beses na niya iyan sa buong linggo. Walang kamuwang-muwang na unti-unti na siyang nakatutulog sa bawat salita ng kanyang guro. “Ito’y isang makabagong paraan ng pag-iisip tungkol sa pagkakabuo nating mga tao sa…”
Masarap. Mahangin. Presko. Luntian. Walang kasingganda. Walang kasimpayapa.
Nakapikit ang kanyang mga mata. Sarado. Sarado sa mga pagkakamaling pilit nagpapagising sa kanya. Hindi na pinapansin ang mga suliraning pinapasan mula pa nang oras ng pagsimula ng asignatura.
Tinutukso na naman siya ng kanyang katabi sa kanan. Pilit na ginigising sa pamamagitan ng pagkalabit gamit ng lapis. Hindi naman niya nararamdaman. Tila patay na ang buong mundo sa kanyang pagkatulog, at bagong larangan ang pinalilibutan niya. Isang lugar na walang suliranin. Walang iniisip. Damuhan ng kalayaan.
Ang mundo nga ba ang patay o siya ba iyon? Sa kanyang pagtakas mula sa mundo, namatay na siya ayon sa sariling pananaw. Patay na kahit magising man siya.
Nagising na siya. “Matulog ka na lang muli. Ipatatala ko na lang ito sa iyo mamaya,” ani ng katabi niya sa kaliwa. Hindi niya inakalang isang taong katulad niyong sadista at walang pakialam ay may pag-iintindi pa pala. Hindi katulad ng mga kaibigan niyang dalawa ang mukha. Hindi katulad ng katabi niya sa kanan.
Sa buong oras ng kanyang pagmumulat, tulala siya. Tila wala siyang pakialam sa nangyayari sa klase. Gising naman siya. Bukas ang kanyang mga mata. Nakatitig nga lang sa kawalaan.
Bakit? Bakit ba? Kapabayaan mo ba ito? Bakit? Bakit.
Bumagting na ang kampana. Lahat ay nagsialisan na ngunit naroon pa rin siya sa kanyang upuan. Tulala. Kahit kaunti na lang ang natitira sa kwarto, waring wala siyang nakikita. Waring hindi narinig ng kanyang tainga ang tunog ng kampana. Tunog ng mga kamag-aral niya. Tunog ng galak.
Hindi niya mapaniwalaan ang nangyari sa kanya noong isang asignatura. Parang gumuho ang mundo sa lalim ng kanyang iniisip. Sa kawalan ng damdamin sa kanyang mukha.
Bakit kasi? Bakit? Ano ba ang nangyari sa iyo? Tingnan mo nga! Lahat na’y nawawala sa iyo pero wala ka pa ring ginagawa.
At lahat nga ay nawala na. Siya na lang ang natitira sa silid.
Inayos na niya ang kanyang gamit. Nililigpit na ang lahat ng mga bagay na hindi na kakakailanganin upang hindi na ito kailangang kargahin sa susunod na araw.
Mapayapa sa loob ng silid. Sa daanan. Sa palaruan. Sa kainan. Sa hintayan. Sa loob ng bus. Wala pa ring nakapaskil sa kanyang mukha. Wala siyang ganang harapin ang mundo. Walang ganang mabuhay pa kung mamamatay rin lang.
Hindi naman siyang ginanahang kumain ng sorbetes. Sa buong taong iyon, kailanma’y hindi pa niya natikman ang hinahain ng manininda sa harap ng paaralan. Sa harap ng nakatigil na bus. Sa harap.
Sandali. Bawal iyan.
Sorbetes lang iyan.
Kaya nga. Ano naman ang makukuha mo riyan? Wala. Wala kang makukuha, mapapala. Wala.
Lahat naman ng nasa akin ay nawawala na. Wala namang masama kung susubukin. Kung mayroon mang mawawala, siguro'y wala naman itong kwenta. Wala. Wala na.
Lumabas siya sa pagkakahintay sa loob ng bus. Bumili nga siya mula sa mamang sorbetero. “Bente lang ang malaki.”
Pumasok muli siya sa loob ng walang lamang bus. Tiningnan ang sorbetes.
Bakit kaya’y tawag dito’y ‘dirty ice cream’? Hindi naman marumi. Hindi naman siguro. Siguro. Bakit kaya’y pilit ng mga kilala’y tawagin itong ‘homemade ice cream’; eh, hindi naman homemade… … Pati ba naman ito’y pinag-iisipan?
Tinikman niya ang sorbetes. Malamig. Matamis. Bago. Bago sa kanyang panlasa.
Nakakapanibago. Nakapagbibigay-buhay. Hindi ko naman ito unang beses na kainin ang sorbetes na ganito. Nakakapanibago. Bago.
Tuloy-tuloy niyang kinain ang sorbetes. Sa bawat subo, may bagong pakiramdam na nagpapabuhay sa kanya. Bagong buhay na pumupuno sa kanya.
Napangiti siya. Sa unang beses magmula nang siya’y nagising, ito ang unang beses na nagkaroon ng damadamin ang kanyang mukha. Unang beses na ang mata niya’y nagkasilaw.
Pang-isang kutsara na lang ang nalalabing sorbetes. Nilasap niya ito. Nilasap.
Tama. Tama. May pag-asa pa. Pwede pa.
0 reps.:
Post a Comment