Kwento ni Rey: Ilaw ng Umaga

Sunday, July 13 at 2:47 PM

Gabi na pala, kay rami pang taong gumagala o nakatanga.

Baka mahuli pa ako sa curfew, makauwi na nga.

Hindi pa nga ako nakakaalis mula sa plaza, parang may ginagawa na akong masama’t tila sermon ang titig ng mga tao sa akin. Bakit kaya? Hindi naman marumi ang tisyert ko. Bakit parang lumalakas ang mga bulungan? Nakakabingi na.

Si Kuya! Narinig ko ang pangalan niya. Uuwi nga pala siya ngayong gabi. Minabilis ko na ang aking paglakad tungo sa bahay. Baka’y umalis agad siya’t di ko maabutan. Ngunit paano nila alam na narito siya? Kung hindi man, bakit siya ang pinag-uusapan? Tumakbo na ako palayo sa plasa bago ko pa malaman ang sagot sa aking katanungan.

Nang malapit na ako sa may kalye naman, halos walang laman ang mga lansangan. Maliban sa ilang taong dumaraang parang may tinatakasa’y napakatahimik ng lugar. Naaalala ko ulit ang gabi ng karumal-dumal na pagpaslang kay Putol: lahat ng tao’y tahimik nang hindi masuspetsahan ng mga tuta ni Marcos.

Napakagulo ng katahimikan. Walang tigil ang mga tanong sa ulo ko. Binabagabag na ako ng iba’t ibang tanong na dumaragdag lamang sa pagkabagabag ko. Nababalisa na sa mga eksenang nangyayari sa aking ulo. May sona ba talaga? Sinaktan kaya si Nanay? Nakauwi kaya si Kuya? Kinuha kaya siya ng militar? Ligtas ba ako? Nakakabulag ang katahimikan. Hindi ko na pinansin ang kapaligiran. Ang bahay na lamang ang tangi kong nakikita. Nagmadali na ako’t kung ano pa ang maisip kong masama. Kailangan ko nang makauwi.

“Umalis ka mula rito! Wag na wag mo akong pagsalitaan nang ganyan!” Nay?

Nasa tapat na ako ng bahay.

“Akala mo kung sino ka! Huwag mo akong hawakan!” Si Kuya!

Nag-aaway lang ulit sina Kuya at Nanay kagaya ng dati. Kaunting lambing lang iyan mamaya at mawawala rin. Salamat naman at hindi totoo ang mga iniisip ko. Salamat at wala namang nangyaring—

"Tumahimik nga kayo!" Kaninong boses iyan?

"Nay, tumabi k—————"

Iyon na siguro ang pinakanakakatakot na tunog na narinig ko’t napatago ako sa may tambak ng basura. Sa isang saglit, napatahimik ang buo kong pagkatao. Isang tunog na nakamamatay, tunog ng katahimikan. Isang putok ng baril.

Dehins. Hindi ito pwede. Sana'y walang namatay. Sana'y nananaginip lang ako.

Pagkatapos niyo’y nakita ko na lamang na kinakaladkad si nanay palabas ng bahay ng ilang taong naka-uniporme. Kitang-kita sa kanyang mukha ang napakaraming damadamin: paghihimutok, pagkabigla, takot, galit. Halos binura nila ang dignidad niya’t nag-iwan ito ng pulang marka sa maruming lansangan. Bigla-bigla lamang, nakasalubong ng mata ko ang mata ng kanyang mandarakip. Walang pag-aalinlangan niyang tinuro ako sa kasama niya. Nakita rin ako ni nanay.

“Rey, TAKBO! TUMAKBO KA! TUMAK—” Matinis ang kanyang tuloy-tuloy na pagsigaw habang mabilis siyang nawawala mula sa aking paningin.

Walang tigil ang aking pagtakbo. Malalalim ang aking mga hinga. Pilit na lumalayo. Walang hinto. Walang pahinga. Lumalayo para lamang makalaya.

Makalaya? Mula sa saan? Mula sa lipunang siyang nang-aapi sa sarili niya? Mula sa pamilya kong nasaan na? Mula sa aking sarili? Ano ba pa ba ang halaga ko rito sa lipunang walang kahihinatnan? Anong pamilya pa ba ang babalikan ko? Ano pa ba ang punto ng pagtakbo kong ito?

May katuturan ba ang ginagawa ng mga militanteng kumukontra sa gobyerno? Ano pa ba ang halaga ng lahat ng paghihimagsik na ito kung kamatayan at kalungkutan lamang ang magiging bunga? Hindi ba’t wala naman talaga tayong magagawa sa sitwasyon ng bansa natin ngayon? Hindi ba dapat ay nagsasayang tayo ng oras sa paglibang sa isang plasa? Wala rin naman tayong magagawa kung magrebelde tayo.

Doon ko naisip tumigil. Napadapa ako sa pagod. Hiningal ako. Ano pa ang punto ng lahat ng ito?

“Reeeeeeeeeeeeeeeyy!”

Sa sandaling narinig ko ang boses ni Nanay, tumigil ang oras. Halos hindi ko na siya nakilala. Iba siya. Iba ang tono. Tonong ni minsa’y hindi ko narinig. Bagamat sinasapawan ito ng ingay ng humaharurot na sasakyan, dinig na dinig ko pa rin ang tono kanyang boses. Dinig sa kanyang pagsigaw ang pagtatakip sa kanyang bibig at ang kanyang pagpilit na balaan ako. Halos tinatago ito ng lumalakas at lumalapit na ingay ng makina ng isang sasakyan, ngunit nakilala ko ang tonong iyon: pagmamahal.

May nakabubulag na ilaw na nanggagaling sa likod ko.

Humarap ako sa ilaw.

Michael Tan, Luis Marcelo, Timothy Chua
PS. sori kung mahaba.

0 reps.: